Tuesday, June 23, 2015

Tulang Tagalog

Ben Cab '94 


Ngayon na lang ulit ako susulat ng tulang Tagalog
At para sa'yo pa ito
Ngayon na lang ulit ako susulat ng tulang Tagalog
Para mas maintindihan mo

Mga damdaming nasaktan 
Walang gustong umamin kung sinong may kasalanan
Nasaktan mo ako at nasaktan kita
Ako na ang magsasabing, kasalanan nating dalawa
Mga damdaming nasayang
Sa iba nalang sana nilaan
Mga damdaming binigay noon ng lubusan
Ngayo'y nawala na ng tuluyan

Mga nasayang na oras
Mga pagkakataong gusto mo nalang tumakas
Pero di'ba yun naman ang ginagawa mo?
Tumakas, iniwan ako
Mga pangakong napako
Sabi ko na nga ba, hindi iyon totoo
Sabi na sa'yo 'wag kang mangangako
Kung hindi mo naman kayang panindigan ang mga ito

Hindi tayo para sa isa't isa
'Wag na nating ipilit pa
Alam naman natin mula umpisa
Hindi talaga tayo para sa isa't isa

Tama ngang pinakawalan kita
Ikaw man ang unang kumawala,
Tandaan mong hindi naman ako ang nangaliwa
Sa totoo lang,
Gusto kong humanap ng iba
Noong mga panahong nandyan ka pa
Pero di ko ginawa
Kase mahal kita
Mahal kita, noon iyon
'Wag kang magalala, hindi na ngayon
Sabi nga sa isang awit
"Wala nang dating pagtingin, sawa na sa'yong lambing"
Wala na ang sumisigaw na damdamin para sa'yo
Hinangin na papalayo
Wala na ni isang damdaming natira 
Naglaho na na parang bula

Gusto kong malaman mo 
Masaya akong na kilala kita
Binigyan mo ako na saya
Kahit na pansamantala
Gusto ko ring malaman mo
Para kang tinik sa dibdib ko
Laking ginhawa nung nawala ka
Maluwag na akong nakakahinga

Sana itong tulang ito
Mabasa ng isang musikero
Sana siya'y matuwa
At gawin nyang kanta
Para kapag ito'y naging kanta,
Maalala mong may naiwan ka
At siya'y masaya na
Ikaw, ano na ba?

Salamat dahil sa'yo 
Nakakasulat na ulit ako ng ganito
Salamat dahil sa'yo
Binalikan ko ang mahal ko

Mahal ko ang pagsusulat
Siguradong hindi mo alam 'yon
Mahal ko ang pagsusulat
Siguradong nagugulat ka ngayon
Hindi mo kase ako kinilala
Hindi mo inalam ang mga gusto kong gawin
Inalam mo lang ang mga GUSTO mong alamin
Pero hindi mo inalam ang mga bagay na DAPAT mong alamin
Hindi mo inalam ang mga hilig kong gawin
At ang mga bagay na nagpapasaya sa'kin

'Wag kang magalala
Patapos na ang aking tula
Pasensya na kung mahaba
Tamad ka pa naman magbasa, di'ba?

Pero bago ko tapusin ang tulang ito
Isa nalang ang ihihirit ko
Hiling ko ang tunay na kaligayahan mo
Paalam na sa iyo

Ngayon nalang ulit ako sumulat ng tulang tagalog
Para tagos sa puso mo
Ngayon nalang ulit ako sumulat ng tulang tagalog
Pangako, 
Ang susunod ay hindi na para sa'yo

No comments:

Post a Comment